ANG PAGPAPAKILALA SA ANGKANG OROSA
ni Milagros Orosa Aliling
Noong taon 1976 si Marina Salazar Leyran ng sangang BASILIO OROSA ay nagpakana ng unang pagtitipon ng angkan ng Basilio at ako ang napagutosan na gumawa ng "puno ng familya." Noon ay buhay pa ang ilang matatanda na nakatulong sa aking pagsisiyasat tungkol sa angkan. Ngunit mula kay Mamay Basilio paitaas, wala na akong inpormasyon na makuha. Sa punong ito ay inusisa ko ang kamag-anak ng Lolo Aton (Agaton Orosa) sa mga "Orosang Bauan." Ang Lolo Aton ay pinsang buo ni SIMPLICIO OROSA na asawa ay si Lola Kanang (Juliana Ylagan.) Kaya kung tutuosin, si Mamay Basilio ay kapatid ni Mamay GUILLERMO OROSA. Ang asawa ni Guillermo ay si Hilaria Agoncillo at sila ang pinagbuhatan ng mga Orosa ng Bauan.
Ang naging asawa ni Basilio Orosa as si Maria Buno ng Balisong, isang nayon ng Taal, tanyag sa lasetang balisong at maselang bordado sa kamay. Ang pagkaalam ko ay ang ating ninuno (pati na ang Guillermo) ay hindi mayayaman sa mula’t mula at nagsikap sa pangangalakal (negosyante.) Hindi sila magsasaka. Sa kanilang pangangalakal ay malawak ang narating. Kaya daw ang Lolo Pisiong at Lola Kanang ay napadako sa bandang Aplaya, isang municipio ng Bauan.
Sapagkat ako ay may taning na araw sa pagbuo ng punong familya ni Basilio, ang aklng pagsisiyasat ay napatigil sa angkan ng Basilio. Si Mamay Basilio at Nanang Anggue (hindi ko sila inabot) ay anim ang naging anak. Ang panganay ay naturingang Kapitan Pio dahil sa naging Gobernadorcillo ng Taal. Ang naging asawa ay si Maria Ylagan, ngunit hindi sila nagbunga. Nabanggit ng dakilang Senador Lorenzo Tanada sa isang talumpati na si Kapitan Pio Orosa ay kanyang amang binyag. Ang iba pang naging anak ni Basilio kay Maria Buno ay sina: Genoveva, Agaton, Olimpia, Isabel at Paulino. Si Genoveva ay napakasal kay Urbano Punzalan ng Taal at isa lamang ang naging anak – si Dr. Celerino Punzalan. Ang Agaton ay pinamakulay sa lahat sa kanyang buhay. Siya ang aking lolo, ama ng aking ama na si Mariano – saka natin balikan. Si Olimpia ay dala ang ganda at kagitingan hanggan sa pagtanda. Ang unang asawa at si Mariano Salazar ng Taal (lolo ni Marina Salazar); nabalo at, palibhasa’y maganda daw at pagkakababae, nakapagaasawa muli kay Gregorio Martinez (ng lahing Mandanas) at dumako sa Pola, Mindoro. Sila ay nagadikha ng mga lupain at umunlad ang buhay. Ang naging anak ni Lola Olimpia is si Dr. Felino Salazar, Leonarda at Elisa Martinez. Si Isabel ay naging asawa ni Pablo Aseron ng Taal din. Sumunod sa Pola, Mindoro at pinalad din. Walo ang naging anak at ang isa ay naging alkalde ng Pola bago namatay. Si Paulino ay sa Alfonso, Cavite nakapagasawa kay Antonia Angeles, isang babaeng maganda at tanyag sa kanyang bayan. Sila ang naturingang "Orosa ng Cavite." Apat ang naging anak ni Paulino at Toni.
Ang mga anak na babae ni Mamay Basilio, lalo na si Lola Olimpia at Lola Abe (sila'y inabot ko) ay hayag na hayag and pagka-dominante. Kayang-kaya ang kanilang asawa, ngunit nalulusutan din paminsan-minsan. Kaya pala si Marina at si Ely natin dito ay malakas na magustohin na kayang-kaya yoong silang mga napakasalan. Ang katangian ng mga babaeng tatak Orosa ay kagitingan at kakayanang maglutas ng mga suliranin, ang katapatan, pagmamahal at pagmamalasakit sa kapwa.
Bumalik tayo kay Lolo Aton. Si Agaton Orosa ay nagsimula na mangangalakal. Siya ay magandang lalaki, makisig at tunay na lalaki kung ilarawan ng ating Tia Feling sa Kalauag (Quezon.) Umibig at naibigan siya sa isang balo, si Josefa Marella - maganda at mayaman, may dalang apat na anak sa kanyang kinabalohan na si Isabelo Villavicencio. Si Lola Ipay at kapatid ng tanyag at magiting na Lola Eriang Marella Villavicencio. Ang naging anak sa unang asawa ay si Sofia (Ate Uping kung tawagin namin,) asawa ni Abogado Jose Macatangay, Vicente (kilala na Inteng,) at Mariano (palayaw ay Nitoy.) Si Mariano ang aking ama, ama din ni Cesar at Eden. Pagkamatay ni Lola Ipay, nag-asawa uli ang Lola Aton sa dalaga naman - Teyang Sison, ina ni Rita at Ely. Noong namatay si Lola Teyang, naging asawa ng Lolo Aton ang kanyang hipag, kapatid ni Teyang, na si Pepay Sison, ina ni Evar at Roberto. Noong mabalo uli, si Lolo Aton ay nag-asawa na naman sa isang viuda na lahing Maynila, Estanislao vda. ni Clarin. Ang Lola Awang ay may dalang apat na anak kay Clarin, panay hustong gulang. Dito si Elma ang naging anak. Sa makatuwid, si Elma ang pinakahuling ihulog. Kung bubuoin ang mga kamahalan ng Lolo Aton, apat ang kanyang mga tunay na asawa, mga viuda sa puno at dulo, at sa gitna ay tinuhog and dalawang dalaga. At itong mga dalaga na ito ay magkakapatid pa naman! Bukod sa apat na ito, ang balita tungkol kay Lolo Aton ay mayroon pang mangingibig na iba. Ngunit hindi nagkakalat siya na malaman ng iba. Ang iba sa inyo din ay mangingibig ng iba, ngunit alam namin yan.
Pagkapagasawa ng Lolo Aton, ang naging libangan niya ay politika, babae at sabong, ngunit hindi natin alam kung ano ang una at ano ang huli sa libangan niya. Noong panahon na iyon, ang mga alkalde at iba pang nasa gobyerno ay tapat, hindi kagaya ngayon. Natalo siya sa dalawang halalan bago nanalo sa ikatatlo para sa Alkalde ng Taal noong taon na 1934.
Sa kabila ng kanyang kamundohan, ang Lolo Aton ay mapagkalinga at mapagmahal sa pamilya at sa taohan. Nadala niya na maayos at mapayapa ang pamamahay na lakohan ng mga anak na pangaman (anak ng kanyang nabalong asawa) at mga anak na tunay. Nakikinig siya sa daing ng kapwa lalong lalo na ang mga kulang palad. Siya'y Mamay Aton ng lahat, maging taga bayan o taga bukid. Noong panahong Hapon, siya ang humaharap at nakikipagpulong sa mga magkapangyarihang Hapon o mga mabagsik na guerillero natin kapag naduduwagan ang alkalde ng Taal. Noong halos katapusan na ng digmaan, pinapatay ng mga Hapon ang mga taohan, hindi nila kinikilala ang bata o matanda, lalaki o babae. Sinamahan ng Lolo Aton ang mga kababayan pagtungong Cavite. Sa tulong ni Lolo Paulino (kapatid ni Lolo Aton na nasa Alfonso) ang mga taga Taal ay itinira sa mga bahay paaralan at mga bahay ng ilang mamayan ng Alfonso hanggang sa tumahimik ang panahon. Noong pagdating ng mga Amerikano and Lolo Aton ay humirang na naging Alkalde muli. Ngunit kanyang isinalin agad ang panunungkulan kay Juan K. Solis na nakakabata sa kanya at nanatili na lamang siya ng pinuno ng kapulungan ng bayang taal.
Ang Lolo Aton ay pumanaw ng matahimik noong Agosto 26, 1950. Siya ay 76 na taon. Ang magagandang prinsipio at gintong aralin ay kanyang ipinanindigan hanggang kamatayan. Isang magandang prinsipio na ipanamana ng Lolo Aton sa amin at nais naming ibahagi sa lahat ay:
KUNG MAY MAGAGAWANG TULONG SA
KAPWA,
TUMULONG KA NG KUSA
Matapos kong maisalaysay ang pinagmulan ng ating angkan, sana sa ating pagsama-sama ito ngayon ay magsimula ang ating pagkakakilala at pagkagiliw sa bawat isa.
Mabuhay ang PAGKAKAISA ng angkang OROSA
Pagtitipon ng Angkang OROSA
Baybayin ng Look Taal
San Nicolas ("lumang Taal"), Batangas
28 Abril 1990
N.B. by Mario E. Orosa: This was given to me by Milagring in 1996. I’ve done some editing, partly to replace with Tagalog some common English words she used. There were no more than a dozen or so. For example she used "school building" which I replace with "bahay paaralan". I wanted to preserve the flavor of Milagring's Tagalog.