Pangaral sa mga Anak

Nadama na ninyo mga anak ang tamis ng nagkakasalosalo, gintong sandali ito para sa atin, at ang sandaling ganito ay di mananatili. Darating ang araw na ang puno ay mabubuwal at ang mga bunga ay i-ilandang sa malayo, kaya samantalahin ninyo habang nakatindig ang puno upang kayo na mga bunga ay magkalapit-lapit. Pagtibayin ninyo ang pagkakaisa ng ating angkan, sikapin ninyo na ang ngalan natin ay mapantanyag sa mabuting gawain. Mangagkakasundo kayo, lumaban sa iba, ngunit sa loob ng ating angkan as magtulungan, magsunuran, at maggalangan kayo. Maging parang sarili ng bawat isa sa inyo ay kapurihan ng angkan natin. Pagtakpan-takpan ninyo ang kapusyawan ng sino mang masisinsay sa inyo sa matuwid na landas at pagpayuhan upang bumalik sa katuwiran. Ang pangalan natin huwag aglahiin ng iba dahil sa kataksilan ng sino man sa inyo. Umaasa ako na kahit nasa kabilang buhay na kami ng inyong amang namamayapa na, ay tutuparin ang aming kahilingang ito.

Ang pagtitipong ito, ay ini-a-alay ko sa mag ama ni Emong at Cyd sa kanilang kaarawan, naway tumagal ang kanilang buhay ng mahabang araw lakas ng katawan at mabuting pagsasama ng kanyang asawa at mga anak.

Tumindig lamang tayong lahat at bati-in sila ng Magandang Kaarawan.

 

SIMPLICIA (Tia Piciang) OROSA vda de YLAGAN
Junio 16, 1965